NCAA: Arellano, asam dungisan ng Mapua

Filed under Basketball Balita RSS RSS Feed

Mga laro ngayon (San Juan Arena)
9 n.u. — San Sebastian vs Letran
10:45 n.u. — San Beda vs CSB-LSGH
12:30 n.h. — Perpetual Help vs. EAC
2:15 n.h. — Arellano vs Mapua
4 n.h. — Lyceum vs JRU

Itataya ng Arellano University ang solong liderato sa pakikipagtuos sa kapwa wala pa ring talong Mapua sa pagpapatuloy ng aksiyon sa NCAA Season 92 juniors basketball tournament, sa San Juan Arena.

Namumuno ang Braves matapos makamit ang ikalimang sunod na panalo pagkaraang gapiin ang Letran Squires, habang galing naman sa ikaapat na dikit nilang panalo ang Cardinals nang manaig sa Emilio Aguinaldo College.

Ganap na 2:15 ng hapon ang salpukan ng Braves at Red Robins, ang dalawang koponang nagharap noong nakaraang taon sa Final Four, kung saan No.2 seed ang huli at binura ng una ang kanilang twice- to- beat advantage upang makausad sa finals at harapin ang eventual at reigning 7- time champion San Beda College.

Mauuna rito, magtutuos sa pambungad na laro sa ganap na 9:00 ng umaga  ang wala pang panalong San Sebastian Staglets at ang Squires na susundan ng tapatan ng defending champion Red Cubs at CSB La Salle Greenhills ganap na 10:45 ng umaga, bago ang laro  ng Perpetual Help at EAC sa ganap na 12:30 ng hapon.

Tulad ng Red Robins, target ng Red Cubs ang ikalimang dikit nilang panalo habang ikaapat na panalo naman sa loob ng limang laban ang target ng Junior Blazers.

Samantala, sa huling laro magtutuos ang Lyceum at Jose Rizal University sa ganap na 4:00 ng hapon kung saan mag-uunahan ang dalawang koponan na makapagtala ng ikalawang tagumpay sa loob ng limang laban. – Marivic Awitan