Batang Pinay, tinanghal na Princess of the World 2016

Filed under Features, Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed

Ellyzha copy

MAY bago na namang beauty pageant crown ang Pilipinas!

Kinoronahan bilang Princess of the World ang batang Pinay na si Elysha Dinn Rasay ng Santiago City sa katatapos na Search for Prince and Princess of the World 2016 sa Bulgaria.

Si Rasay ang kauna-unahang tinanghal na Princess of the Philippines noong Enero, kaya siya ang naging kinatawan ng Pilipinas sa Bulgaria noong Hunyo 21-28.

Marami ang nagandahan sa makulay na hand-painted Filipiniana gown ni Elysha. Marami rin ang natuwa sa kanyang mahusay na pagsayaw sa talent portion ng pageant.

“Ginawa ko po kasi ‘yung best ko kaya po ako nanalo. Tulad po ng sa question and answer, doon po sa mga ibang attire na imo-model ko po,” pahayag ni Elysha sa interview ng ABS-CBN.

Aminado ang batang Pinay na mahigpit ang laban sa nasabing pageant, ngunit dahil sa kanyang taglay na ganda, confidence at talino ay naiuwi niya ang titulo.

Nakalaban niya sa pageant ang mahigit 40 na bansa katulad ng Russia, Ukraine at Japan. Dulot nito, marami naging kaibigan si Elysha, at siya ay naiimbita pa na pumunta sa iba’t ibang bansa.

Nagpasalamat ang batang beauty queen sa lahat ng mga sumuporta sa kanya, lalung-lalo na sa mga nagpaabot ng mga mensahe at comments sa kanya. Ayon Ritchel Rasay, ina ni Elysha, nagbigay ito ng matinding inspirasyon at dahilan upang higit pang pagbutihin ni Elysha ang kanyang mga ginagawa.

“Nababasa niya po lahat ‘yung mga comments… So na-inspire po siya doon,” ayon kay Ritchel Rasay, ina ni Elysha sa interview ng ABS-CBN.

Samantala, nais ni Elysha paglaki ang maging modelo, at suportado naman ito ng kanyang ina.

“Mag-aral lang muna siya,” dagdag ni Ritchel. “Magtapos siya ng pag-aaral para kung ano ‘yung gusto niyang gawin, magagawa niya.”

Sa darating na Mayo, muling dadalhin ni Elysha ang pangalan ng bansa sa kanyang sasalihang international pageant sa Paris, France. (LORENZO JOSE NICOLAS at HELEN WONG)