Diale, bigo maidepensa ang titulo

Filed under Boxing Balita RSS RSS Feed

Naagaw kay Filipino Ardin “The Jackal” Diale ang Orient Pacific Boxing Federation (OPBF) flyweight title nang mapabagsak ni Japanese challenger Daigo Higa sa ikaapat na round nitong Sabado, sa Korakuen Hall sa Tokyo, Japan.

Napatigil ng walang talong si Higa ang pambatong Pinoy, may 2:39 ang nalalabi sa fourth round. Ito ang ika-10 sunod na panalo ng Japanese lahat pawang TKO.

Natikman naman ni Diale, pambato ng Malungon, Sarangani Province, ang ika-10 kabiguan sa matikas na marka na 31 at may tatlong tabla.

Tangan din ng 20-anyos na si Higa ang WBC Youth world flyweight title. Nakuha niya ang kampeonato nang pabagsakin ang noo’y wala ring talong si Jakkrawut Majoogoen (14-0) sa ikapitong round noong Hulyo 24, 2015, sa Siam Paradise Entertainment Centre sa Bangkok, Thailand.