TAPOS NA ANG PAGDURUSA NI MARITES FLOR

Filed under Editoryal Balita RSS RSS Feed

TAPOS na ang mga pagdurusa ng Pilipinang bihag na si Marites Flor. Siyam na buwan makaraan siyang dukutin mula sa isang resort sa Samal island sa Davao Gulf kasama ang mga Canadian na sina Robert Hall at John Ridsdel at ang Norwegian na si Kjartan Sekkingstad noong Setyembre 2015, pinalaya siya nitong Biyernes sa pamamagitan nina President-elect Duterte, Sulu Gov. Sakur Tan, at Secretary Jesus Dureza, ang incoming presidential adviser on the peace process.

Sa buong siyam na buwan na bihag si Flor at ang tatlong dayuhang kasama niya mula sa Samal island, nagpalipat-lipat sila ng lugar tuwing gabi sa mga kagubatan ng Sulu upang makaiwas sa tropang militar na tumutugis sa mga bandido. Pinugutan ang kanyang nobyong si Hall kamakailan matapos na mabigo ang pamilya nito at ang gobyernong Canadian na makalikom ng ransom na hinihingi ng Abu Sayyaf. Nauna rito, pinugutan na rin si Ridsdel.

Humingi ng saklolo kay Duterte ang pamilya ni Flor. Sinabi ni Dureza na nagawang makipagnegosasyon ni Tan sa Abu Sayyaf. Biyernes ng madaling araw nang ayon kay Flor ay gisingin siya ng mga bumihag sa kanya, tinanggal ang mga posas sa kanyang mga paa, bago sinamahan siya patungo sa Barangay Asturias sa Jolo, Sulu, at iniwan siya ng mga suspek sa labas ng bahay ng gobernador bandang 4:30 ng umaga.

Labis ang aming kasiyahan sa pagpapalaya kay Flor, na nagmula sa Bukidnon, na hindi marahil inasahang makababayad ng P300-milyon ransom na hinihingi ng Abu Sayyaf para sa bawat isa sa apat na bihag. Nagawa niyang tiisin ang siyam na buwan ng pagkakabihag sa kagubatan, at ang paulit-ulit na pagbabanta, habang tinutugis ng militar ang mga bumihag sa kanila. Sinabi ni Dureza na hindi nagbayad ng ransom para sa paglaya ni Flor, bagamat iginiit ng isang grupo ng Abu Sayyaf na tumanggap sila ng P20 milyon ransom.

Dalawa na ang namatay—kapwa pinugutan—at isa ang pinalaya. Iisa na lang ang natitira, ang Norwegian na si Khartan Sekkingstad, ang huli sa apat na dinukot mula sa Samal. Manunumpa pa lamang sa tungkulin bukas si Pangulong Duterte ngunit nagtagumpay na siya at ang kanyang mga tauhan sa pagliligtas kay Marites Flor. Umasa tayong magiging matagumpay din ang mga pagpupursigi upang mailigtas ang ikaapat na dinukot, o kung maiuugnay ang kanyang administrasyon sa trahedyang dulot ng pamumugot sa isang biktima ng pagdukot at pambibihag.