Silvano, pinatulog ni Palicte

Filed under Boxing Balita RSS RSS Feed

Muling nabigo si one time world title challenger Vergilio Silvano na makabawi kay Aston Palicte sa kanilang maaksiyong rematch matapos siyang mapatulog sa ikapitong round ng kanilang 12-round match nitong Sabado, sa Jurado Hall ng Philippine Marine Corps sa Fort Bonifacio, Taguig City.

Nagpamalas si Silvano nang matatag na pakikipaglaban para sa bakanteng IBF Pan Pacific super flyweight belt pero pinabagsak siya nang mas malaki at mas malakas na katunggali sa ikatlong round.

Ngunit, nagpakita pa rin nang matibay na puso si Silvano para makabawi at pagulungin naman sa ikalimang round si Palicte.

Gayunman, sumapol ang matinding uppercut na pinakawalan ng pagod na si Palicte habang papasugod si Silvano kaya bumagsak ito na parang tinibag na punong saging.

Sumadsad si Silvano sa 21-7-1 record kasama ang 12 knockout, samantalang napaganda pa ni Palicte ang kanyang kartada sa 21-2-0 na may 18 knockout. – Gilbert Espena