SALOT SA LANSANGAN

Filed under Opinyon Balita RSS RSS Feed

AKO ma’y matindi ang panggagalaiti sa ilang balasubas na towing company na walang pakundangan sa paghahatak ng illegally parked vehicles sa iba’t ibang sulok ng Maynila. Sa kabila ito ng paulit-ulit na babala ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na ang gayong operasyon, kahit kaharap ang mga tsuper, ay isang criminal offense; marapat na mag-isyu na lamang ng traffic violation tickets ang mga awtoridad.

Kamakailan, dumagsa ang mga reklamo sa MMDA hinggil sa sinasabing pagmamalabis ng ilang towing service operations, lalo na ang mga colorum na tinaguriang mga salot ng lansangan. Ang mga ito ay malayang nakapanghuhuli ng mga traffic violators dahil sa sinasabing bendisyon ng mga pinunong lokal, lalo na ng mga barangay official. Ibig sabihin, ang mga naturang awtoridad ay nakikinabang sa biyayang nagmumula sa ilegal na operasyon.

Dalawang beses din akong nagkaroon ng nakadidismayang karanasan sa pagmamalabis ng naturang mga salot sa lansangan.

Nang mag-overheat at tumirik ang company vehicle na aking minamaneho sa EDSA, halos dambahin ako ng mga towing crew at mabilis na ikinasa ang mga kadenang panghila. Mabuti na lamang at sila ay pumayag na dalhin na lamang ako sa motorpool ng pahayagang ito na noon ay nasa Makati City pa. Matapos kong “mabigyan”, saka ko lamang napag-alaman na colorum pala ang naturang towing operator.

Ito rin ang company car na hinila naman ng isa ring tow truck sa Intramuros, Manila; dumadalo ako noon sa isang mahalagang pagpupulong sa Manila Bulletin nang iparating sa akin na ang nasabing kotse ay dinala sa hindi kalayuang impounding area dahil sa paglabag sa illegal parking ordinance. Bahagi na lamang ng nakalipas ang iba pang detalye.

Sa anu’t anuman, marapat lamang paigtingin ng MMDA ang pagpapatupad ng regulasyon tungkol sa kasiya-siyang serbisyo ng mga accredited towing company. Kabilang na rito ang paglutas sa mga reklamo hinggil sa ilegal na panghihila, mataas na singil at pangingikil. Idagdag na rin dito ang pagsasagawa ng random drug testing sa mga towing crew at emission testing sa mga tow truck.

Pangunahing tungkulin ng mga towing operator ang magkaloob ng serbisyo at hindi upang parusahan ang sinuman na wala namang intensiyong lumabag sa batas-trapiko. (Celo Lagmay)