Pekeng gamot sa Hepa-C, kumakalat

Filed under Dagdag Balita Balita RSS RSS Feed

Pinag-iingat ng pamunuan ng Food and Drug Administration (FDA) ang publiko laban sa pekeng gamot laban sa sakit na Hepatitis C na kumakalat ngayon sa Southeast Asia.

Ang babala ng FDA ay kasunod ng inilabas na advisory ng World Health Organization (WHO) laban sa pagkalat ng mga pekeng gamot sa rehiyon.

Tinukoy ng FDA ang pekeng gamot na Sofosbuvir+Ledipasvir (Ledso) 400 mg/90 mg capsule at Daclatasvir (Dakavir) 60 mg capsule na may label ng Pharco Corporation, na nakabase sa Alexandria, Egypt. Gayunman, nilinaw ng nasabing medicine company na wala silang ganitong uri ng gamot.

Nagbanta ang FDA sa sinumang mahuhulihan ng pekeng gamot o nagbebenta nito na kakasuhan ng paglabag sa Republic Act No. 9711 o FDA Act of 2009. (Mary Ann Santiago)