PAANDAR NA, PASALUBONG PA

Filed under Opinyon Balita RSS RSS Feed

APAT na dekada na akong nagsusulat ng balita bilang isang police reporter, news editor at maniniyut (photo journalist), pero sa maniwala kayo’t hindi, ngayon lang ako magsusulat ng kolum. Nakakapanibago. Pakiwari ko’y may mas malaking responsibilidad ako sa mga impormasyong mababasa sa kolum kong ito na pinamagatan kong “ImbestigaDaVe” mula sa salitang “imbestiga” na idinugtong sa Da at Ve—ang unang dalawang letra ng aking palayaw at apelyido.

Ang salitang imbestiga ang magiging pangunahing basehan ng mga istoryang lalabas sa kolum na ito. Mga resulta ng imbestigasyong ginagawa o mga nagawa na ng ating mga matitinik na imbestigador mula sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan, lalo ng mga nasa ilalim ng Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP) at National Bureau of Investigation (NBI). At siyempre pa, hindi rin mawawala rito ang mga impormasyong galing sa mga kaibigan kong beteranong intel operative mula rito sa Pilipinas at sa iba’t ibang bansa.

At kung kinakailangan, makikisawsaw tayo sa pag-iimbestiga ng mga awtoridad para makatulong sa paglutas sa mga krimen at makatwirang reklamo laban sa mga tiwali nating “public servant.”

Pero hindi ko ito magagawang mag-isa. Siyempre pa, kailangan ko ang tulong ninyo, kayong mga masugid na mga mambabasa ng pahayagang ito. Gamitin ninyo ang mga makabagong teknolohiya.

Sunud-sunod ang pag-score ng mga awtoridad laban sa droga nitong mga nakaraang araw. Saludo sa inyo ang kolum na ito. Sana masundan pa ito ng mas maraming huli para naman huwag lumabas na paandar lang ito ng mga batikang anti-narcotics operatives para “pasalubong” sa bagong halal na pangulo ng ating bansa.

Pero may napansin ako, yung mga ebidensiya na kanilang nakumpiska ay walang pakundangan kung hawakan at pagpasa-pasahan ng mga agent at pati na nang mga nakikisawsaw sa accomplishment na mga local official. Walang mga guwantes o kahit anong sapin sa kamay ang mga ito para maiwasang mapuno ng kanilang mga fingerprints ang mga ebidensiya.

Nang ipahayag ni President-elect Rodrigo Duterte na magpapatupad ang kanyang administrasyon ng curfew sa mga batang inaabot ng hantinggabi sa lansangan, biglang nagkaroon agad ng operasyon ang mga pulis sa Quezon City at walang habas na nag-iikot para manghuli ng mga batang pakalat-kalat sa lansangan.

Ito ang maliwanag na masasabi kong “Oplan Paandar” — bakit nga ba hindi, eh ngayon lang nila naisip na manghuli ng mga menor de edad, samantalang ang tagal-tagal ng may city ordinance sa Quezon City. For the record, hindi lamang sa Quezon City may ganitong ordinansa kundi maging sa buong Metro Manila.

Para sa inyong mga sumbong, reklamo, papuri o puna, mga kuhang video at litrato ng mga di-inaasahang pangyayari, i-text lamang ang mga ito sa: Globe 09369953459 / Smart: 09195586950 / Sun: 09330465012 o kaya’y mag-email sa:

daver@journalist.com. (Daniel M. Veridiano, E.E.)