MAGANDANG SIMULA

Filed under Opinyon Balita RSS RSS Feed

MAYO 27 nang tinapos ng Kongreso ang pagbibilang ng boto sa nakaraang halalan, at lumabas na nakakuha ng 16.5 milyong boto si Davao City Mayor Rodrigo Duterte. Ngunit bago pa nagsimula sa pagbibilang ang Kongreso, sinimulan nang ilatag ni Duterte and pundasyon ng kanyang administrasyon.

Ipinahayag na ni Duterte ang mga bubuo sa kanyang Gabinete; naglabas ng mga polisiya sa mahahalagang isyu, at unti-unti ay ipinakita ang pangunahing istraktura ng kanyang pamamahala.

Ibig kong talakayin ngayon ang aking pananaw sa mga unang hakbang ni Pangulong Duterte. Noong panahon ng kampanya, tinalakay ko sa pitak na ito ang limang kritikal na isyu na dapat harapin ng bagong pangulo: kapayapaan, problema sa ilegal na droga, rebelyon ng mga komunista, rebelyon ng mga Muslim, at ang usapin sa China.

Komportable ako sa pangungulo ni Duterte dahil isa siyang beterano sa serbisyo publiko, na may karanasan at kakayahan na harapin ang mga isyung ito. Sa edad na 71, may malalim siyang pang-unawa sa mga isyung ito.

Upang matupad ang pangako na magkaroon ng kaayusan sa bansa, ipinahayag ng bagong pangulo na magpapatupad siya ng malalaking reporma sa National Bureau of Investigation, Philippine National Police, Philippine Drug Enforcement Agency, at Bureau of Corrections. Ang apat na ahensiyang ito ang tututukan ni Pangulong Duterte upang ipakita na seryoso siya sa kanyang ginagawa.

Makatutulong kay Duterte ang kanyang karanasan sa pagbabago sa Lungsod ng Davao mula sa isang komunidad na pinaghaharian ng krimen patungo sa isang mapayapa at maunlad na siyudad upang sugpuin ang krimen at ang lumalalang problema sa droga sa bansa.

Sinabi rin ni Pangulong Duterte na bibigyan niya ng prioridad ang problema sa transportasyon. Kabilang sa kanyang mga plano ang pagtatatag ng isang sistema ng riles na mag-uugnay sa buong bansa—isa sa Luzon at isa sa Mindanao.

Dapat nating suportahan ang plano ng bagong pangulo. Sa kasalukuyan, nangungulelat tayo sa paggugol para sa imprastruktura. Ito ang itinuturo ng mga negosyante na malaking balakid sa pag-unlad ng ating ekonomiya.

Ito rin ang solusyon sa pagsisiksikan at polusyon sa sa Metro Manila. Sa pamamagitan ng mahusay at maaasahang sistema sa transportasyon, makalilikha ng mga bagong mauunlad na komunidad sa labas ng Metro Manila.

Magagamit din ni Pangulong Duterte ang kanyang karanasan sa pagharap sa rebelyon sa Davao upang ilunsad ang bagong usapan sa kapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at ng mga rebeldeng komunista.

Ito ang kailangan upang maisulong ang pag-unlad sa kanayunan, kasama na ang paglikha ng trabaho at pagpapaganda sa kinabukasan ng mga Pilipino.

Maganda ang kanyang simula, at sana ay magpatuloy ang magandang gawa.

(Ipadala ang reaksiyon sa: mbv.secretariat@gmail.com o dumalaw sawww.mannyvillar.com.ph) (Manny Villar)