Artist’s sketch sa gunman ng kolumnista, inilabas na

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Naglabas na ang Manila Police District (MPD) ng artist’s sketch ng suspek sa pagbaril at pagpatay sa isang kolumnista nitong Biyernes.

Inilabas ng MPD ang artist’s sketch ng gunman isang araw matapos mag-alok ng P100,000 pabuya ang MPD Press Corps (MPD), na nagsisilbing director ang biktimang si Alex Balcoba, Sr., sa sino mang makapagtuturo sa pulisya ng pagkakilanlan at pinagtataguan ng suspek.

Nakumpleto ang composite sketch sa tulong ng limang testigo na nakakita nang barilin ng isang gunman si Balcoba, na kolumnista ng People’s Brigada, sa tapat ng kanyang watch repair stall sa Quezon Blvd. sa Quiapo, Maynila, nitong Biyernes ng gabi.

Dead-on-arrival si Balcoba sa Jose Reyes Memorial Medical Center dahil sa tinamo nitong tama ng bala sa likurang bahagi ng ulo.

Inilarawan ng mga testigo ang gunman na edad 40-45, may taas na 5’2”, katamtaman ang pangangatawan, at kayumanggi.

Pinaghahanap din ng pulisya ang tatlo pang kasama ng gunman sa pagtakas, sakay sa dalawang motorsiklo, matapos ang pamamaril.

May tinutumbok na ang MPD investigators na anggulo sa pamamaslang kay Balcoba subalit tumanggi ang mga ito na ihayag ang detalye upang hindi madiskaril ang imbestigasyon.

Anila, posibleng walang kinalaman sa trabaho ni Balcoba bilang mamamahayag ang krimen. (Mary Ann Santiago)