Family driver, lubog sa utang, nagbigti

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Tinuldukan ng isang family driver ang sariling buhay makaraan siyang magbigti sa isang puno sa tapat ng kanyang bahay sa Capitol 8, Barangay Kapitolyo, Pasig City, nitong Linggo ng umaga.

Bumulaga kay Joey Garcia, isang hardinero, ang bangkay ni Noel Tanding, 38, driver ng pamilya Saludo, habang nakabitin sa puno ng santol, dakong 7:30 ng umaga nitong Linggo.

Agad na sinabihan ni Garcia ang kasambahay na si Lilia Amit na ipagbigay-alam sa pamilya Saludo ang pagpapakamatay ni Tanding.

Bukod dito, humingi rin ng tulong sina Garcia at Amit kay Robert Zabala, security guard ng Capitol 8, na tawagan ang Pasig City Police hinggil sa insidente.

Natagpuan ng mga rumespondeng pulis sa tabi ng bangkay ni Tanding ang isang suicide note para sa kanyang asawa na si Jovie, na nakasaad na lubog sa utang ang kanilang pamilya sa Davao del Norte, kaya ninais na lang niyang magpakamatay.

Sa imbestigasyon, kinumpirma ni Jovie na ang sulat-kamay sa suicide note ay mula sa kanyang asawa. – Aric John Cua