Mayor-elect sa Isabela, patay sa atake sa puso

Filed under Probinsya Balita RSS RSS Feed

DAGUPAN CITY, Pangasinan – Masaklap ang sinapit ng bayan ng Palanan sa Isabela makaraang bawian ng buhay si Mayor-elect Bernie Bernardo, na kahahalal lang nitong Lunes.

Malungkot at nagluluksa ngayon ang mga residente kasunod ng biglaang pagpanaw ni Bernardo nitong Biyernes.

Ayon sa ulat ng isang lokal na himpilan ng radyo, sa isang pagamutan sa Cauayan City binawian ng buhay si Bernardo makaraang atakehin sa puso.

Noong Lunes, araw ng halalan, ay dinala na sa ospital sa Cauayan City si Bernardo makaraang atakehin ng sakit sa puso.

Dahil dito, papalitan si Bernardo ng pinsan niyang si Vice Mayor-elect Rody Bernardo Jr. Ang isa pa nilang pinsan, si Elizabeth Bernardo-Ochoa, ang manunumpa naman bilang bise alkalde makaraang manguna sa mga nahalal na konsehal nitong Lunes.

Anumang araw ngayon ay iuuwi na ang labi ng alkalde sa Palanan. – Liezle Basa Iñigo