Soriano at Micek, wagi sa beach volley

Filed under Volleyball Balita RSS RSS Feed

Tila nakagawian na nina beach volleyball poster girls Charo Soriano at Alexa Micek ang manalo.

Sa ikatlong pagkakataon, nagwagi muli ang kanilang tambalan sa Beach Volleyball Republic Boracay leg nang gapiin ang tambalan nina Judy Caballejo at Anna Abanto, 21-15, 21-16, sa finals na ginanap sa  Pearl of the Pacific beachfront.

Ang panalo kontra sa Air Force duo ang ikatlo nina Soriano at  Micek sa kanilang ikalimang finals appearance sa loob ng unang  anim na legs ng torneo.

Naiuwi ng dalawa ang premyong P70,000, habang nagkamit naman sina  Caballejo at Abanto ng 50,000 runner-up prize.

 “It wasn’t so easy, they (Caballejo and Abanto) were serving very hard on us but I think we adjusted well to that,” sambit ni Soriano.

Naunang tinalo sa  semifinals nina Soriano at Micek sina Jennifer Cosas at Apple Saraum, habang iginupo naman nina Caballejo at Abanto sina Bea Tan at Fiola Ceballos kapwa sa loob ng tatlong sets.

May isa pang leg na idaraos ang BVR On Tour sa  Siquijor bago magbalik ng Manila para sa National Championship na idaraos sa Sands SM By The Bay. – Marivic Awitan