Langamin, nakasilat sa PH Match Play

Filed under Golf Balita RSS RSS Feed

Naungusan ni Noel Langamin ang liyamadong si Rupert Zaragosa sa dikitang duwelo para makopo ang kampeonato sa 2016 Philippine Amateur Open Match Play Championship kamakailan, sa Orchard Golf and Country Club sa Dasmariñas, Cavite.

Nasustinahan ni Langamin ang matikas na simula para agawin ang panalo sa top seed na si Zaragosa, 3 & 2.

Nagawang makausad sa championship round ng 26-anyos na si Langamin nang magwagi kay Japanese Yuto Katsuragawa sa semi-final, 3&2.

Napigilan ng pambato ng Del Monte ang target ni Zaragosa na makapagtala ng magkasunod na kampeonato matapos pagbidahan ang first MVPSF Visayas Regional Match Play sa Cebu.

“This is my biggest win since helping Del Monte win the PAL Interclub crown (in 2011),” sambit ni Langamin, nagawang mapakulay ang masamang 10th place finish sa 36-hole stroke play elimination sa impresibong panalo kontra kina Bobby Celestino at Jelbert Gamolo, 3&2, sa knockout phase bago maungusan ang second seeded na si Tom Kim ng Korea, 1-up, sa quarterfinals.