Pulis, patay sa drug surveillance

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Patay ang isang pulis at sugatan naman ang kanyang kasamahan matapos pagbabarilin ng dalawang hindi kilalang suspek, habang isinasagawa ang drug surveillance mission sa Caloocan City noong Martes ng gabi.

Patay na nang maisugod sa ospital si PO2 Mark Pacheco, 31, ng Block 84, Lot 20-A, Found St., North Fairview, Quezon City, sanhi ng tama ng caliber 45 pistol sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Ginagamot naman sa FEU Hospital ang kasamahan nitong si PO1 Jaypee Jhon Pagaringan, 28, ng No. 72 Samaria Village, Sto. Cristo, Barangay Tala, Caloocan City, matapos tamaan ng bala sa kaliwang braso.

Sina PO2 Pacheco at PO1 Pagaringan ay kapwa nakatalaga sa Station Anti-Illegal Drugs-Special Operation Task Group (SAID-SOTG) ng North Caloocan Police Station.

Sa report ni PO3 Ryan Rodriguez, bandang 9:30 ng gabi nang magsagawa ng drug operation sa Doña Aurora St., Sulo, Barrio Concepcion, Bgy. 188 Tala, ang mga biktima.

Nakita nila ang dalawang lalaki na nakatayo sa kalsada at kahina-hinala ang mga kilos kaya nilapitan ito ng dalawang pulis.

Hindi pa man nakakalapit sina Pacheco at Pagaringan ay agad na umano silang pinagbabaril ng mga suspek.

Nagtangkang pumalag si Pagaringan pero nahagip ito ng bala sa braso kaya nakatakas na ang dalawa. (Orly L. Barcala)