Gov’t transaction, dapat online lahat—Sen. Chiz

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Nais ni Senator Francis “Chiz” Escudero na gawing online ang lahat ng transaksiyon sa gobyerno upang maiwasan ang lagayan sa mga ahensiya ng pamahalaan.

Ayon kay Escudero, bahagi ito ng programa ng “Gobyernong may Puso” nila ng presidential running mate na si Sen. Grace Poe kapag sila ang nahalal sa Mayo 9.

Pangako ni Escudero, pabibilisin nila ang serbisyo ng Internet sa bansa hindi lang para makatulong sa paglinang ng kaalaman ng mga mag-aaral kundi para magamit ang teknolohiya upang maiwasan ang kurapsiyon sa pamahalaan.

“Bahagi ito ng programa namin sa gobyerno. Gusto namin ni Senator Grace ang ‘no touch policy’ sa gobyerno. Dahil ang application sa gobyerno, kagaya ng lisensiya, ng permit, dapat Internet na rin ang gamit,” sabi ng kumakandidatong pangalawang pangulo.

“Upang sa gayon ay maiwasan o mabawasan ‘yung abutan, ‘yung kindatan at ‘yung bigayan kaugnay ng lagayan sa mga transaksiyon ng gobyerno,” paliwanag ni Escudero.

Siniguro rin ni Escudero ang agad na pagsasabatas ng Freedom of Information (FOI) Bill upang mabusisi ng taumbayan ang lahat ng transaksiyon ng gobyerno. (Beth Camia)