Ex-LWUA chief Pichay, kinasuhan sa P1.5-M sponsorship

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Ipinag-utos ng Office of the Ombudsman na sampahan ng kasong graft sa Sandiganbayan si dating Local Water Utilities Administration (LWUA) Chairman Prospero Pichay Jr. at tatlong iba pang opisyal ng ahensiya dahil sa pag-i-sponsor ng P1.5 milyon sa isang torneo noong 2010.

Bukod kay Pichay, pinakakasuhan din sina Daniel Landingin, Emmanuel Malicdem at Wilfredo Feleo, pawang opisyal ng LWUA, ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Ayon sa record ng kaso, ang nasabing salapi ay ibinigay ng LWUA sa National Chess Federation of the Philippines (NCFP) noong Agosto 2010 para sa 2nd Chairman Prospero Pichay Jr. Cup International Chess Championship.

Ayon kay Ombudsman Conchita Carpio-Morales, malaki ang pananagutan nina Pichay dahil ang mga ito ang nag-apruba sa pagpapalabas ng pondo.

Kinasuhan din si Pichay ng paglabag sa code of conduct for government officials and employees. (Rommel P. Tabbad)