Babaeng tulak, tiklo sa drug bust sa QC

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Arestado ang isang babae, kabilang sa top wanted drug personalities sa Quezon City, sa isinagawang entrapment operation sa nasabing siyudad nitong Martes ng gabi.

Hindi na nakapalag ang suspek na si Maricel Medina, 32, nang posasan ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) sa isinagawang drug bust operation ng mga tauhan ng Police Station-10, nitong Martes ng gabi.

Ayon sa pulisya, ikapito si Medina sa listahan ng Priority Target Drug Personality ng Kamuning PS-10.

Matapos magkasundo sa P300, iniaabot ni Medina ang tatlong sachet na naglalaman ng shabu sa isang police agent, dahilan upang siya ay arestuhin.

Nabawi ng pulisya sa suspek ang shabu at P300 marked money.

Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 si Medina na kasalukuyang nakapiit sa PS-10, ayon sa ulat. (Vanne Elaine P. Terrazola)