Cantorna at Nuqui, kampeon sa TBAM Open

Filed under Sports Balita RSS RSS Feed

Nadomina nina Louis Cantorna at Patrick Nuqui ang kani-kanilang dibisyon para pangunahan ang mga nagwagi sa katatapos na Tenpin Bowling Affiliation of Makati Inc. (TBAM)-Boysen Easter Open Bowling Championship sa Superbowl ng Makati Cinema Square sa Makati City.

Ginapi ni Cantorna, pambato ng TBAM-Prima, ang kasangga na si Kenzo Umali, 234-224, sa ikalawang duwelo ng shoot-out para makamit ang titulo sa Mixed Youth Masters.

Tumapos sa ikatlong puwesto si Cantorna matapos ang 10 laro tangan ang kabuuang 2140 pinfalls, habang nanguna si Umali na may 2194. Pumangalawa si John Abad ng PBAP sa iskor na 2145 kasunod si Xyrra Cabusas ng BTA Prima (2137).

Sa shoot-out match, nakaungos si Cantorna sa iskor na 234, kontra kina Abad (220) at Cabusas (229).

Nakopo naman ni Nuqui ang Mixed Rookie Masters title sa iskor na 1685 laban kina Ariscel Lobo (1583) ng PTBA at Norel Nuevo (1570) ng BA Nobleland.