Falcons at Blue Eagles, kumamada sa volleyball

Filed under Volleyball Balita RSS RSS Feed

Ginapi ng Adamson Soaring Falcons ang La Salle Green Spikers, 25-9, 24-26, 32-30, 27-25, kahapon para makisosyo sa liderato ng UAAP Season 78 men’s volleyball championship sa MOA Arena.

Nangailangan lamang ang Falcons ng 17 minuto para kunin ang unang set, ngunit ang inaasahang dominanteng panalo ay nauwi sa dikdikang laban bago nanaig ang Adamson at makisosyo sa Ateneo at NU sa unahan ng team standings tangan ang 4-1 karta.

Hataw sina MVP Mark Espejo at Josh Villanueva sa naiskor na pinagsamang 25 puntos para sandigan ang defending champion Ateneo De Manila University kontra University of the Philippines, 25-18, 25-19, 25-21.

Bagsak ang Maroons sa 3-2 kasama ang FEU.

Nanguna si Michael Sudaria sa Falcons sa iskor na 16 na puntos, habang kumana sina Paolo Pablico (15), Jerome Sarmiento (14), Bryan Saraza (13), at Dave Pletado (12).