Gerald, inggit kay Xian

Filed under Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed

NAINGGIT pala si Gerald Anderson sa kasamahan niyang Kapamilya actor na si Xian Lim dahil nakatrabaho na nito si Vilma Santos, sa Everything About Her na apat na linggo nang patuloy na pinanonood sa mga sinehan.

Pangarap ni Gerald na makasama rin sa pelikula ang Star for All Seasons at alam daw niyang pangarap din ito ng halos lahat ng mga kasabayan niyang artista.

“Sa totoo lang, eh, sobrang nainggit nga ako kay Xian. Kaya nag-usap kami sa ASAP last Sunday, kinumusta ko siya sa experience niyang makatrabaho si Gov. Vi. Sobrang saya ko, sana kung mabigyan tayo ng pagkakataon na makasama ko siya sa pelikula o kahit man lang sa isang episode ng MMK,” sabi ni Gerald.

Siyempre, kinuha agad namin ang reaksiyon ni Ate Vi hinggil dito at nalamang humahanga pala siya sa kahusayan ni Gerald bilang dramatic actor.

Napapanood din pala niya si Gerald sa mga nilabasan nitong teleserye lalo na sa Budoy.

“Well, sana nga, mabigyan kami ng pagkakataon na makapagtrabaho rin, pero alam n’yo naman ang schedule ko, pang-one movie at a time lang ako,” lahad ni Ate Vi na labis-labis ang pasasalamat sa lahat ng mga nanood ng kanyang latest movie dahil as of press time ay mahigit na sa P200M ang kinikita nito. (JIMI ESCALA)