Blue Eagles spiker, tumatag sa UAAP volley

Filed under Volleyball Balita RSS RSS Feed

Ni Marivic Awitan

Umiskor ng season- high 35 puntos si reigning MVP Marck Espejo upang pangunahan ang defending champion Ateneo sa pagbalik sa winning track kahapon, sa pagpapatuloy ng UAAP Season 78 men’s volleyball tournament sa San Juan Arena.

Nagposte si Espejo ng 30 kills, 4 na blocks at isang ace para giyahan ang Blue Eagles sa dikdikang five-setter win kontra De La Salle, 25-20, 23-25, 22-25, 25-21, 15-10.

Nag-ambag naman si Ysay Marasigan ng 13 puntos sa panalong nag – angat sa kanila sa barahang 3-1.

Tumapos namang topscorer para sa Green Spikers si Raymark Woo na umiskor ng 24 na puntos kasunod si Arjay Onia na may 19 na puntos.

Nauna rito, naiposte rin ng Adamson ang ikatlong panalo sa apat na laro matapos gapiin ang Far Eastern University,30-28, 22-25, 25-18, 25-19.

Nagposte ng tig-16 puntos sina Dave Pletado at Bryan Saraza at 11 puntos naman si Michael Sudaria para pangunahan ang Falcons sa nasabing panalo na nakamit nila kasunod ng kanilang naitalang upset win laban sa Blue Eagles.