19-anyos, patay sa pinaglaruang baril

Filed under Probinsya Balita RSS RSS Feed

ALIAGA, Nueva Ecija – Nasawi ang isang 19-anyos na kawani ng munisipyo makaraan siyang tamaan ng bala ng .45 caliber pistol na pinaglaruan ng kanyang kainuman sa Purok 3, Barangay Magsaysay sa bayang ito, nitong Miyerkules ng gabi.

Kinilala ni Chief Insp. Marlon Cudal, hepe ng Aliaga Police, ang biktimang si Jay Bulasco y Bondoc, ng Bgy. Sto. Rosario, na nabaril sa leeg at hindi na umabot nang buhay sa Nueva Ecija Doctor’s Hospital sa Cabanatuan City.

Naaresto naman si Ferdinand Soro y Miguel, 39, ng nasabing barangay, na ipinagyabang sa mga kainuman ang dalang baril at sa paglalaro rito ay biglang pumutok ang armas at nasapol si Bulasco. (Light A. Nolasco)