Magkapatid na pugante, balik selda

Filed under Probinsya Balita RSS RSS Feed

BATANGAS – Balik-selda na ang magkapatid na preso, na ang isa ay menor de edad, makaraan silang pumuga mula sa himpilan ng Mataas na Kahoy Police, matapos silang maaresto sa Lipa City, Batangas.

Sa report ng Batangas Police Provincial Office (BPPO), naaresto si Marjun Villaluz, at kapatid niyang binatilyo at pareho silang akusado sa robbery.

Dakong 3:10 ng hapon nitong Pebrero 7 nang arestuhin ang mga suspek ng grupo ni Chief Insp. Gerry Laylo, deputy commanding officer ng Provincial Public Safety Company (PPSC), sa Barangay Bagong Pook sa lungsod.

Kabilang ang magkapatid sa limang pumuga noong Pebrero 5, at nauna nang nadakip sina Roy Jasper Gonzales, may kasong illegal drugs; Nikko Raphael Malaluan, akusado sa ilegal na droga; at Erwin Kalalo, may kasong rape.

Nasa kostudiya na ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) ang binatilyo. (Lyka Manalo)