60-anyos, nakipagduwelo sa utol; todas

Filed under Probinsya Balita RSS RSS Feed

Isang 60-anyos na lalaki ang pinatay ng kanyang kapatid makaraan silang magduwelo sa Barangay Marcos sa Rosario, La Union, iniulat ng pulisya kahapon.

Namatay habang ginagamot sa Rosario District Hopital si Renato Omanito, 60, makaraan siyang saksakin ng nakababatang kapatid niyang si Epenito Omanito, 55, binata, kapwa ng Bgy. Marcos, Rosario.

Batay sa imbestigasyon ng Rosario Municipal Police, nangyari ang insidente nitong Linggo ng hapon matapos magkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang magkapatid, na humantong sa suntukan.

Natalo sa suntukan si Renato kaya kumuha siya ng itak at tinangkang tagain ang kapatid, pero nakailag ito.

Dahil dito, gumanti ng saksak si Epenito at napuruhan ang biktima.

Mabilis na itinakbo sa ospital si Renato ngunit hindi na ito umabot nang buhay, dahil sa isang saksak sa tagiliran.

Agad naman inaresto ang suspek, at sinampahan ng kaso. (FER TABOY)