Junior Altas, wagi sa Game One vs Brigadiers

Filed under Sports Balita RSS RSS Feed

Nakahakbang palapit sa asam nilang back-to-back championships sa juniors division ang University of Perpetual Help matapos nilang gapiin ang Emilio Aguinaldo College, 25-13, 25-18, 25-16, kahapon sa pagsisimula ng kanilang best-of-3 finals series para sa NCAA Season 91 volleyball tournament sa San Juan Arena.

Nagtala si Jody Margaux Severo ng 6 na hits, 4 na blocks at isang service ace upang pangunahan ang defending champion na Junior Altas sa straight sets win kontra EAC Brigadiers.

Nag-ambag ng 9 na puntos si Gabriel EJ Casana at 8 puntos naman si Ivan Encila para sa nasabing panalo ng Junior Altas na naghahangad din ng kanilang ikawalong overall juniors title sa liga.

Nagtapos na topscorers para sa Brigadiers sina Cee-jay Hicap at Ralph Joshua Pitogo na kapwa nagtala ng tig-8 puntos.

Kinailangan lamang ng Junior Altas ng 54 na minuto para dispatsahin ang Brigadiers sa kampeonato na dinomina nila sa hits, blocks at service aces makaraang magtala ng 32, 10 at 5 kumpara sa 23, 2 at 0 lamang ng huli ayon sa pagkakasunud-sunod.

Tanging sa floor defense nakuhang umungos ng EAC sa kanilang itinalang 20 digs kumpara sa 13 ng Perpetual sa pamumuno ni Hicap na mayroong 7.