‘Darna 2016,’ nanggulat sa moviegoers

Filed under Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed

CLAMOR: ANGEL LOCSIN PA RIN

Angel Locsin

Angel Locsin

SI Angel Locsin ang isinisigaw ng lahat para gumanap bilang Darna sa pelikulang ipoprodyus ng Star Cinema sa 2016. Ipinapalabas kasi sa mga sinehan ang teaser ng Darna 2016 na nu’ng una’y inakala naming another national hero movie na handog ng Artikulo Uno na nagprodyus ng Bonifacio ni Robin Padilla at ng Heneral Luna ni John Arcilla, dahil ganu’ng tipo ang pagkakagawa pero sa black and while scene naman si Direk Erik Matti ang naalala namin dahil naman sa Tiktik: Aswang Chronicles.

At dahil may ipinapakitang babaeng nakatalikod kaya hindi masilayan ang mukha, naisip naming, ‘Ay, babae ang bida, baka si Gabriela Silang.’ Pero sa eksenang nabasag ang mga salamin at ipinakitang bumubulwak ang apoy sa bulkan at naging kulay pula ang suot ng babaeng bida, agad nasabi ng lahat ng mga manonood sa sinehan, “Ay, Darna!” At sakto, biglang lumipad si Darna na may apoy pa sa bilis at sabay pakitang, ‘Darna, Star Cinema 2016.’

Narinig namin ang mga usapan o bulungan ng mga nasa loob ng sinehan na sana raw ay si Angel Locsin pa rin ang gumanap. Pero base sa nalaman namin, out na talaga si Angel sa Darna movie dahil kinakailangan niyang magpahinga ng mahigit na isang taon, ayon na rin sa bilin ng doktor na umopera sa kanya sa Singapore.

Ni-laser ang likod ng aktres at apat na tusok iyon pero mabilis lang, hindi na kinailangang buksan ang likod niya na labis ikinatatakot noon ni Angel kaya natagalan bago siya nagdesisyong magpaopera. Kaya ilang araw lang si Angel sa Singapore dahil nga nakakatayo, nakakakilos at nakakalakad naman na siya after the laser operation. ‘Yun nga lang, hindi siya gaanong nakakalakad nang mabilis tulad ng gusto niya. “Kaya nakabiyahe naman sila ni Luis (Manzano) sa Las Vegas kasi okay naman siya, may go signal naman siya from her doctor. ‘Yun nga lang, need to rest most of the time, hindi puwedeng bigla-bigla,” kuwento ng aming source.

Nagbiro pa nga raw si Angel sa doktor niya na kailangan niyang gumaling kaagad kasi nga may iso-shoot siyang movie na kailangan ng pisikalan. “But her doctors says, ‘you have to rest more than a year, a year is not enough’,” sabi pa sa amin ng aming source. Kaya hindi talaga uubra kahit gustung-gusto ni Angel na mag-Darna.

Pero sabi namin sa aming kausap, kailangan pa ring mag-cameo role ang aktres para ipasa ang bato sa bagong gaganap na Darna. Samantala, hindi pa rin pala tapos ang shooting nina Angel at Batangas Gov. Vilma Santos-Recto dahil may ilang revisions daw sa script. Inakala naming tapos na ito at makakahabol sa early January playdate. “Hindi pa, may revisions ang script, may binago, mas pagagandahin pa,” kaswal na sabi sa amin. Kakayanin ba ni Angel na mag-shoot gayong pinagpapahinga siya? 

“Kaya nga matatagalan bago ipalabas, hindi na January o February, the least is May para sa Mother’s Day presentation ng Star Cinema.” At last quarter ng 2016 naman daw, posible nang matuloy ang shooting nina Angel at Coco Martin sa unang pelikulang pagtatambalan nila.