BVR Christmas Open ngayon sa Sands By the Bay sa MOA

Filed under Sports Balita RSS RSS Feed

Sampung koponan ng mga naggagandahang kababaihan ang magpapainit sa malamig na simoy ng hangin ngayong umaga sa pagbubukas ng dalawang araw na ‘Beach Volleyball Republic Christmas Open” sa SM Sands by the Bay sa likod ng Mall of Asia (MOA).

Una munang isasagawa ang draw nina Tournament Commissioner Efren Gaa at assistant Adrian Tabañag kung saan malalaman ang limang koponan na magsasagupa sa Group A at ang maghaharap-harap naman sa Group B bago simulan ang torneo na may nakatayang P100,000.

“Some of the country’s finest volleybelles will be there competing for pride and honor,” sabi lamang ni Charo Soriano, na kasama sina Bea Tan at Alexa Micek sa kanilang pagdalo sa ginanap na PSA Forum noong Martes.

Kasama sa mga kalahok si Soriano na makakapareha si Micek sa torneo na inaasam nilang maging tampok na torneo para sa mga mahihilig sa beach volleyball sa buong bansa.

Kasali rin si Tan na makakapareha naman ang Brazilian player na si Rupia Inck Furtado, na naglaro para sa koponan ng Petron sa Philippine Super Liga.

Ang iba pang kasali ay ang pareha nina Fille Cainglet at Denden Lazaro, April Hingpit at Maica Morada, Julie Ann Tiangco at Mariel Sinamban, Rica Rivera at Cherry Rondina, Janine Marciano at Bang Pineda, April Romero at Rose Cailing, Judy Caballejo at Camille Abanto, at ang tambalan nina Arielle Estranero at Vina Alinas.

Magsasagupa muna ang mga koponan sa round robin elimination na pool play sa unang araw na magsisimula ng alas-8 ng umaga. Ang mangungunang dalawang koponan matapos ang pool play ang uusad sa crossover semis kung saan ang dalawang magwawagi ang magsasalpukan para sa pinakaunang titulo ng torneo. (ANGIE OREDO)