PASKO SA PILILLA PARK

Filed under Opinyon Balita RSS RSS Feed

SINASABING ang Pasko ang pinakamasaya at makulay sa lahat ng araw sa iniibig nating Pilipinas sapagkat ginugunita at ipinagdiriwang ang pagsilang ng Dakilang Mananakop.

Ipinagdiriwang ito sa buong daigdig na naniniwala sa hatid na diwa ng Pasko na pag-ibig, pag-asa at kapayapaan.

Nagsisimulang paghandaan ang pagdiriwang ng Pasko tuwing ika-16 ng Disyembre na umpisa ng Simbang Gabi at natatapos sa kapistahan ng Three Kings o Tatlong Hari sa unang Linggo ng Bagong Taon.

Ang mga Pilipino ay may kanya-kanyang paraan sa pagdiriwang ng Pasko.

Halimbawa na lamang nito ay ang PASKO SA PILILLA PARK sa lalawigan ng Rizal. Ang Pililla Park ang pinakamalaking parke sa lahat ng mga bayan sa Rizal. Sa Pililla rin makikita ang 27 wind mill na dinarayo na ng mga lokal at dayuhang turista.

Ayon kay Dr. Ofelia Sta. Maria, ng PilillaTourism office, ang Pasko sa Pililla Park ay isang proyektong inilunsad ni Pililla Mayor Leandro Masikip. Sa pakikipagtulungan ng Department of Education (DepEd) na binubuo ng mga public at private school sa Pililla sa pangunguna ng mga school principal at ng Samahan ng mga Kababaihan sa Pililla na pinangungunahan naman ni Gng. Anna Marie Masikip, ang butihing maybahay ni Mayor Leandro Masikip na idinaos nitong Disyembre 7 hanggang Disyembre 12.

Ang Pasko sa Pililla Park sinisimulan sa pagbubukas ng mga ilaw sa Christmas Tree na gawa sa recycled materials. Ang Christmas Tree na nakatayo sa Pililla Park ay may taas na 20 talampakan. Ito ay pambato ng Pililla sa Inter-Town Recycled Christmas Tree and Town Hall Passage Decoration Contest. Inilunsad ng Pamahalaang Panlalawigan ng Rizal at bahagi ng Ynares Eco System o YES to Green Program, ang flagship project ni Rizal Governor Rebecca Nini Ynares na may kaugnayan sa pangangalaga sa kapaligiran. Naging panauhin sa pag-iilaw ng Christmas Tree sa Pililla sina Rizal Gob Nini Ynares, Pililla Mayor Leandro Masikip at ang First Lady ng Pililla na si Gng. Anna Marie Masikip.

Pinasalamatan ni Rizal Gob Rebecca Nini Ynares sina Mayor Masikip, ang mga miyembro ng Sangguniang Bayan at mga taga-Pililla sa patuloy na pakikiisa sa YES to Green Program ng probinsiya. Habang pinasalamatan naman ni Pililla Mayor Leandro Masikip ang mga school principal, mga guro at mga mag-aaral sa public at private school sa kanilang mainit na suporta. (CLEMEN BAUTISTA)