DNA TESTING

Filed under Opinyon Balita RSS RSS Feed

KAAKIBAT ng patuloy na pag-ugong ng citizenship issue laban kay Sen. Grace Poe, patuloy din siyang naghahanap ng mga kamag-anak na maaaring sumailalim sa DNA testing. Ito ang pinaka-epektibong paraan upang matiyak ang kanyang tunay na ama, ina, mga kapatid at kamag-anak. Sa gayon, matutuldukan na ang naturang masalimuot na isyu na kasalukuyang pinagpipistahan ng kanyang mga katunggali na patuloy na sisinghap-singhap sa mga survey.

Hindi ko personal na kakilala si Sen. Poe. Katunayan, wala akong natatandaang pagkakataon na kami ay nagkadaupang-palad, sa kabila ng ating pagiging mediaman.

Subalit ako ay naniniwala na sa kabila ng kanyang pagiging pulot o foundling, natitiyak ko na siya ay may tunay na ama at ina. Imposible naman na walang inang nagluwal sa kanya nang siya ay matagpuan sa isang simbahan sa Iloilo.

Hindi ko lamang masiguro kung ang mismong mga umampon sa kany, ang mga premyadong aktor at aktres na sina Fernando Poe, Jr. (FPJ) at Susan Roces, ay may impormasyon hinggil dito.

Halos lahat ay naniniwala na ang DNA testing lamang ang makapagpapalinaw sa masalimuot na isyu na kinakaharap ni Sen. Poe. Maging si Sen. Miriam Santiago ay nagpahiwatig na marapat isagawa ang naturang testing sa lalong madaling panahon. Ewan ko lamang kung may binanggit siyang mga pangalan na dapat isailalim sa nasabing pagsusuri.

Bagama’t mahirap asahan, hindi marahil isang kalabisang hilingin sa mga kinauukulan na sila ay magkusang sumailalim sa DNA testing upang matiyak na kamag-anak nga nila si Poe. Ang ganitong pamamaraan ay magiging katanggap-tanggap naman kaya sa magkabilang panig?

Bigla kong naalala ang mga pagyayabang ni Agustin, ang aking kamag-aral sa Psychology, maraming dekada na ang nakalilipas. Lagi niyang tinutukoy ang kanyang mga kapatid sa iisang ama subalit isinilang ng magkakaibang ina.

Hindi na nila kinailangang sumailalim sa DNA testing. Sa pamamagitan ng pag-uugnay-ugnay ng mga pangyayari na parang jigsaw puzzle, natiyak nila na sila ay tunay ngang magkakapatid. Ang kanilang buhay ay katulad ng nangyayari sa pamilya ng mga artista sa pelikula.

Maaaring makasarili ang aking pananaw sa nabanggit na masalimuot na isyu. Subalit naniniwala ako na si Sen. Poe ay isang natural born Filipino citizen. Isinilang siya sa Pilipinas. Hindi ba maliwanag na ang kanyang ama, ina at mga kapatid ay naririto rin sa bansa? (CELO LAGMAY)