BAROMETRO

Filed under Opinyon Balita RSS RSS Feed

NAGING negative 36% na ang approval rating ni Pangulong Noynoy Aquino, ayon sa SWS survey. Nang mag-umpisa siyang manungkulan, siya ay may 80% na ‘di hamak na napakataas kaysa mga sinundan niyang pangulo. Napakalaki kasi ng tiwala ng taumbayan na maisusulong niya ang pagbabago sa kanyang kampanyang “Matuwid na Daan”. Pero, habang nagtatagal siya sa panunungkulan, dumadausdos ang kanyang approval rating hanggang sa lumagapak na nga ito sa negative 36%.

Pangkaraniwan na ito dahil sa uri ng ating pulitika. Kasi, napakagastos ng ating halalan. Mahirap kang manalo kung ang puhunan mo lang ay talino. Matalino ka nga, wala namang laman ang iyong bulsa, paano mo itataguyod ang iyong kandidatura. Ipakikilala mo nga lang ang iyong sarili sa taumbayan ay gugugol ka na ng malaki sa anunsiyo sa media.

Gugugol ka rin ng malaki sa pakikipag-ugnayan mo sa mamamayan tulad ng caucus at meeting. Pero, kahit hindi ka matalino basta’t may salapi ka naman at kaya mong gastusan ang pangangailangan ng kampanya, may laban ka. Kaya, sa uri ng ating pulitika, kahit sino ay puwedeng kumandidato at kahit sino ay puwedeng manalo.

Dito pumapasok ang mga negosyante. Namumuhunan sila sa mga pulitikong alam nilang may pag-asang manalo. Kaya, ang survey ay malaking tulong sa mga pulitiko. Ang survey ay gabay ng mga negosyante sa pagtulong nila sa kandidato.

Kung angat ang pulitiko sa kanyang mga kalaban sa survey, nakasisiguro itong malaki ang makukuha niyang puhunan sa mga negosyante na magagamit niya para sa kanyang kandidatura.

Kapag ang pulitikong pinuhunan ng mga negosyante ay nagwagi, malaking problema ito sa taumbayan. Malaking problema rin ito sa approval rating ng pulitiko. Mag-uumpisa nang magbayad ang pulitiko sa mga negosyanteng tumulong sa kanya. Ang ipinambabayad niya ay ang kapangyarihang ipinagkaloob sa kanya ng mamamayan. Sa halip na gamitin ang kapangyarihang ito para sa kanila, ginagamit niya ito sa interes ng mga namuhunan sa kanyang kandidatura. Eh, magkasalungat naman ang interes ng mamamayan at ng mga kapitalista. Ang hangarin nga mga kapitalista ay makasarili, ang kumita gamit ang kapangyarihan ng gobyerno na ipinaubaya sa kanila ng pulitiko. Wala silang pakialam kung ito ay makakasakit o magpapahirap sa mamamayan. Ang barometro ng pagbaba ng approval rating ng pulitiko ay kung hanggang saan na niya nagamit ang gobyerno sa kapakanan ng mga negosyante. (RIC VALMONTE)