Kasambahay, pinatay ng bayaw ng amo

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Nasawi ang isang kasambahay matapos siyang pagsasaksakin ng bayaw ng kanyang among lalaki na nagalit nang hindi niya papasukin sa pinagtatrabahuhan niyang bahay sa Caloocan City, noong Huwebes ng hapon.

Dead on the spot si Janeth Magana, 23, tubong Daet, Camarines Norte, apat na buwan nang housemaid ni Engr. Federico Castillo, ng Block 4, Lot 25, Kalap Subdivision, Barangay 177, Camarin, dahil sa mga saksak sa leeg at kaliwang bahagi ng mukha.

Nahaharap naman sa homicide si Emmanuel Boado, 36, naninirahan sa Block 7, Lot 2, North Ville Subdivision 4A, Marilao, Bulacan.

Ayon sa report, dakong 2:00 ng hapon nang dumalaw sa kanyang kapatid na babae, na asawa ni Castillo, si Boado at kumatok sa gate.

Dahil hindi kakilala, hindi pinapasok ni Magana si Boado at sinabihang bumalik na lang kapag naroon na ang kanyang mga amo.

Nagalit ang suspek, sinigawan ang kasambahay hanggang sa magtalo sila.

Sa galit ni Boado, nagpumilit siyang pumasok sa loob ng bahay, dumiretso sa kusina at kumuha ng kutsilyo saka sinaksak ang kasambahay.

Patakas na sana ang suspek, pero nadakip ito ng mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP) 5 na tinawag ng mga kapitbahay ng mga Castillo. (Orly L. Barcala)