NU, nakaapat ng panalo

Filed under Sports Balita RSS RSS Feed

Naitala ng National University (NU), 77-65, panalo kontra UP Integrated School para sa kanilang ikaapat na sunod na panalo sa pagpapatuloy ng four UAAP Season 78 juniors basketball tournament sa San Juan Arena.

Nagpamalas si John Lloyd Clemente ng all-around performance matapos umiskor ng 18-puntos, 9 rebound at 6 assist habang nagdagdag si Justine Baltazar ng panibagong double-double effort na 16-puntos at 17 rebound para pamunuan ang naturang panalo ng Bullpups.

Sa iba pang laro, nagsipagtala ng kani-kanilang ikatlong panalo ang magkakasalo sa ikatlong puwesto na De La Salle-Zobel, Ateneo at Far Eastern University (FEU)-Diliman.

Tinalo ng Junior Archers ang University of the East (UE), 107-79, at pinataob ng Blue Eaglets, 79-56, ang University of Santo Tomas (UST), habang ginapi ng Baby Tamaraws ang Adamson University, 51-49.

Ang panalo ang ikatlong sunod para sa defending champion Ateneo kasunod ng kanilang season-opening loss sa La Salle-Zobel.

Dahil sa pagkabigo, bumaba naman ang Tiger Cubs sa ikalimang puwesto taglay ang record na 2-2, panalo- talo, habang nalaglag ang Baby Falcons sa ikatlong kabiguan sa apat na laban at nanatiling walang panalo ang Junior Maroons at Junior Warriors pagkaraan ng apat na laro. (Marivic Awitan)