Ex-WBC superflyweight champ, inaresto sa pakikipagsuntukan sa bar

Filed under Sports Balita RSS RSS Feed

Hindi na pinatagal pa ng mga imbestigador na pakawalan mula sa pagkakakulong ang dating WBO super flyweight champion na si Marvin Sonsona matapos na makipagsuntukan ito sa isang bar sa General Santos, City noong Martes ng gabi.

Sa imbestigasyon ng Lagao Police Station, lumalabas na umawat lamang si Sonsona sa dalawang nagkaka-initang grupo habang nasa loob ng Explore Bar, nabanggit na lungsod.

Ayon kay Inspector Diego Matillano, deputy chief of police ng Lagao, nakipagsuntukan si Sonsona sa isang nagngangalang Daniel Sebreho, na taga Fatima, General Santos City.

Si Matillano na kasama sa mga rumesponde ay agad na pumagitna kina Sonsona at Sebreho dahil sa kapwa umano lasing ang mga ito. Dinala si Sonsona sa presinto dahil sa hindi ito napigilan sa kasisigaw.

Si Sonsona ay kinustudiya ng kanyang inang si Iluminada na agad na nagtungo sa presinto.

Sa interogasyon, inawat lamang ni Sonsona ang mga lalaki na nag-aaway sa loob ng nabanggit na bar subalit isa umano sa mga ito ang sinuntok siya kaya’t ginantihan niya ito ng suntok.