4 na kilabot na pusher, natimbog

Filed under Balita Balita RSS RSS Feed

Apat na kilabot na pusher ang naaresto ng mga pulis sa magkakahiwalay na operasyon sa Pateros at Taguig City noong Lunes ng gabi.

Dakong 6:50 ng gabi nang madakip sa Barangay San Roque sa ikinasang buy-bust operation ng mga tauhan ng Station Anti-Illegal Drugs-Special Operations Task Group (SAID-SOTG) ng Pateros Police ang suspek na si Alex Lariosa, alyas “Lupa”, 49, eighth drug personality sa nasabing bayan, at residente ng E. Hermosa Street, Bgy. San Roque, Pateros.

Narekober sa suspek ang isang plastic sachet na naglalaman ng shabu matapos bentahan ng droga ang isang police-agent.

Dinala ang nakumpiskang shabu sa Southern Police District-Crime Laboratory upang suriin habang inihahanda ang kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act sa Pateros Prosecutor’s Office laban sa suspek.

Samantala, natimbog din sina Jemar Bazar, No. 8 most wanted sa Zamboanga Del Sur; at Salde Caliso, No. 9 most wanted sa lalawigan; habang dinakip din ng awtoridad ang kasamahan nilang si Potenciano Caliso, pawang nakatira sa Lara’s Carwash sa MRT Avenue, Central Signal Village, Taguig City.

Bandang 4:00 ng hapon ng Nobyembre 16 nang arestuhin sa carwash ang tatlong suspek ng pinagsanib na puwersa ng mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section at Intelligence Section ng Taguig City Police, sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Jaime Caberte ng Molave (Zamboanga Del Sur) Regional Trial Court Branch 23, dahil sa kasong pagpatay. (Bella Gamotea)