Cebu, 9 na ginto agad sa Antique PNG

Filed under Sports Balita RSS RSS Feed

Apat na gintong medalya ang agad iniuwi ni Michael Ichiro Kong habang tatlo kay Trina Cañeda sa kababaihan upang itulak ang powerhouse Cebu City sa liderato sa unang araw ng kompetisyon ng ginaganap dito na 2015 Philippine National Games (PNG) Visayas Qualifying Leg sa Evelio B. Javier Memorial Sports Complex.

Winalis ng 17-anyos at dating junior national pool member na si Kong ang apat sa kanyang lalahukang siyam na events sa unang araw ng swimming competition matapos magwagi sa Boys 16-over 400m free (5:00.69s), 200m backstroke (2:39.31s), 200m butterfly (2:32.96s) at pamunuan ang 200m medley relay (2:07.49s).

Hinablot naman ni Cañeda ang kanyang tatlong gintong medalya sa girls 16-over 400m free (5:44.75s), 200m backstroke (3:03.08s) bago binitbit ang koponan sa 200m medley relay upang ibigay sa Cebu City ang siyam sa n 11 nakatayang ginto sa pinakaunang araw ng kompetisyon sa probinsiya ng Antique.

“Nag-enjoy lang po ako sa competition,” sabi ni Kong, na accelerated sa first year college sa University of Cebu.

“Hindi ko po expected dahil wala pong masyadong ensayo dahil nag-concentrate po ako sa studies ko,” sabi pa ng first year Information Technogy student at nagnanais maging computer programmer na si Kong.

Nakatakda pang lumangoy sa limang event si Kong na naging multi-medalist din sa Batang Pinoy at asam lumipat at maging miyembro ng pambansang koponan sa sports na triathlon habang may anim na lalahukan si Cañeda.

Nagwagi din ng ginto para sa Cebu sina Fritz Tammara sa boys 16-over 100m freestyle (1:00.89s0 at Shane Allyne Pareja sa girls 50m breaststroke (39.39s).

Tanging lumampas sa Cebu City ang ginto sa girls 16-over 100 free na napagwagian ni Rikka Michel Duarte mula sa host province na Antique sa oras na 1:12.60 segundo at ang boys 16-over 50m breastroke na nakuha ni Christian Ivan Salud ng Maasin City.

Umabot na sa kabuuang 72 local government units ang sumali sa torneo kung saan inaasahang madadagdagan pa ang 771 na nakarehistrong atleta bago pa isagawa ang opening ceremony ganap na 4:00 ng hapon.

Kabuuang 13 sports ang paglalabanan sa apat na araw na torneo kung saan ang Cebu City ang may pinakamarami na ipinadala na 197 atleta, ikalawa ang host Antique na may 98 at ikatlo ang Lapu-Lapu City na may 38.

Dumalo naman sa seremonya sina San Jose Municipal Mayor Rony Molina, Antique Lone district congressman Paolo Javier at Governor Rhodora Cadiao habang ang 2-time PNG champion na si Marian Jade Capadocia ang nagbigay ng oath of sportsmanship. (Angie Oredo)