Hindi po kami naghiwalay ni Matt –Sarah G

Filed under Features, Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed

SARAH G copy new

TINANONG ng mga katoto si Sarah Geronimo nang humarap sa presscon para sa kanyang From The Top Concert tungkol sa tsikang hiwalay na sila ni Matteo Guidicelli.

“Hindi naman po kami naghiwalay ni Matt,” mabilis na sagot ng singer/actress.

Hindi rin kami naniniwala sa tsika dahil imposibleng maghiwalay ang magkasintahan lalo’t may nagtsika sa amin na hindi na pakakawalan ng aktor ang girlfriend niya kahit na ano pa ang mangyari.

Nagpakita rin ng picture ang source namin na nakakausap nina Matteo at Sarah na magkasama sila nitong nakaraang weekend sa Bonifacio Global City na walang chaperon, kaya nangangahulugan na ginagawan nila ng paraan na magkita sila kahit gaano pa sila ka-busy pareho.

Pilit mang umiiwas si Sarah sa mga tanong tungkol kay Matteo, hindi niya magawa dahil ito naman talaga ang hot issue simula nang lumabas na nagkakaroon sila ng selosan ni Matteo dahil kay Shaina Magdayao. Kaya kinulit siya ng press na dumalo sa presscon ng kanyang concert.

“Alam n’yo po, kahit ano’ng sabihin ko diyan, wala akong control diyan,” pangangatwiran ng dalaga. “Isipin nila kung ano ang gusto nilang isipin. Dumating na ako sa pagkakataon na isipin n’yo kung ano ang gusto n’yong isipin, sabihin n’yo kung ano ang gusto n’yong sabihin. Alam ko kung ano ang buhay ko. Alam ko kung ano ang nangyayari sa amin. It’s my decision to keep it to myself.”

May plano na ba sila ni Matteo para sa future nila, lalo’t nasa wastong gulang na siya?

“Siyempre, darating at darating ‘yon. Malapit na po akong mag-30, marrying age na nga po ako, eh. Pero alam ko rin sa sarili ko na marami pa akong kailangang ayusin sa sarili ko, malayu-layo pa, basta he’s willing to wait!”

Si Matteo na ba ang gusto niyang makatuluyan?

“Ako po, oo, pero hindi natin hawak ang mangyayari, only God knows,” mabilis niyang sagot.

Naging palaisipan sa mga katoto ang sinabi ni Sarah na ‘ako oo’ dahil dapat ang sagot ay, ‘oo naman.’

Anyway, hindi aminado si Sarah na ten years from now ay, “Siguro po may pamilya na ako, mga anak.” Ilang anak ang gusto niya? “Isang babae at isang lalaki… siguro mga tatlo po.”

Samantala, ilang araw pa lang inilalabas ang From The Top Concert tickets ni Sarah pero nag-sold-out na kaagad ang December 4 schedule. Kaya muling naglabas ang Viva Live, Inc. ng second night, December 5 tickets kahapon, November 7.

Ang From The Top Concert ay presented ng Cebuana Lhuiller, Globe, Oppo, Jollibee, Belo Essentials, JAG, Manulife at Xeleb, major sponsors naman ang Extreme Magic Sing, Charmee, Sangobion, Michaela at SMDC at minor sponsor naman ang San San at Champion.

Si Paolo Valenciano ang stage/TV director at si Louie Ocampo naman ang musical director. (REGGEE BONOAN)