Kulang ang bayad, sinaksak

Filed under Probinsya Balita RSS RSS Feed

TARLAC CITY — Sinaksak ng isang tindero ang isang lalaki na kulang ang ibinayad sa sigarilyo, sa parking area ng isang supermarket sa Block 6, Barangay San Nicolas, Tarlac City.

Kinilala ni PO3 Paul Pariñas, investigator-on-case, ang biktimang si Mariano Gabris, 40, binata, naglalako ng gulay, at residente ng Barangay San Francisco, Tarlac City. Ang suspek ay kinilala lamang sa alyas na “Kukok”, 30, at pagala-gala sa lugar.

Dakong 2:00 ng hapon ay bumili ng pitong stick ng sigarilyo ang biktima at nagbayad sa inaakala niyang presyo subalit nagalit ang suspek at kaagad siyang sinaksak. Mabilis na naisugod ang biktima sa Talon General Hospital.

Tinutugis na ng mga pulis ang suspek na pinaniniwalaang suwitik na nagkukunwaring tindero. (Leandro Alborote)