Coco Martin, magpapatayo ng bagong bahay

Filed under Features, Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed

Coco Martin copy

TRULILI kaya ang ‘di sinasadyang nabanggit sa amin na may plano si Coco Martin na magpatayo ulit ng bahay?

Hindi nilinaw ng nagkuwento kung para kaninong bahay ang gustong ipatayo ni Coco.

Nag-umpisa ang tsikahan namin tungkol kay Coco nang sabihin namin na hindi kami naniniwalang walang inspirasyon ang bida ng Ang Probinsiyano at nabanggit nga na, “Busy si Coco, mas gusto niyang magtrabaho nang magtrabaho kasi nag-iipon at may pinaglalaanang bahay.”

Nagulat kami kasi alam namin ang natupad na ang dream house ni Coco sa ipinatayo niya sa isang subdibisyon sa Quezon City base na rin sa panayam sa kanya ng KrisTV.

Lumaki ang gastos ni Coco sa naturang bahay dahil nagpalagay siya ng maraming kuwarto para sa nanay, tatay at mga kapatid niya dahil matagal niyang pinangarap na makasama-sama silang lahat sa iisang bubong.

Sabay tanong namin sa aming kausap, “Paano pala ‘pag nag-asawa si Coco, doon pa rin ba siya titira?”

“Definitely, malabo ‘yun kasi baka ang mapapangasawa niya ay hindi ganu’n ang gustong set-up. Kaya nga magpapagawa ulit ng bahay,” sagot sa amin.

So, baka para sa mga magulang at kapatid ang bagong bahay na ipatatayo ni Coco dahil tiyak na hindi niya iiwan ang dream house niya.

Speaking of Ang Probinsiyano, naaliw kami dahil mainit na pinag-uusapan ang tambalang Cardo (Coco) at Onyok.

Hindi na kina Bela Padilla at Ador (Coco) ang sentro ng viewers dahil mas inaabangan nila ang susunod na eksena nina Cardo at Onyok.

Naalala namin noon si Fernando Poe, Jr kasama si Niño Muhlach sa pelikulang Ang Leon at Ang Daga na naging super hit kumpara sa Tutubing Kalabaw na kasama rin ang Child Wonder.

Ang ingay-ingay ng tambalang FPJ at Niño na nakikita rin namin ngayon kina Coco at Onyok.

At dahil click ang dalawa sa Ang Probinsiyano ay nakikinita na naming may kasunod na project ulit sina Coco at Onyok, kaya malabo ang suhestiyon namin na ang huli ang kuning Ding sa Darna dahil imposibleng ipahiram siya ng Dreamscape Entertainment.

Anyway, nagdiwang ng kaarawan niya si Coco noong Nobyembre 1 at may shooting siya ng The Beauty and The Bestie kasama si Vice Ganda plus On The Wings of Love lead stars, James Reid at Nadine Lustre na entry sa 2015 Metro Manila Film Festival ng Star Cinema at Viva Films.

Ang birthday wish ng aktor ay hindi na para sa sarili niya kundi para sa lahat: peace at good health.
(REGGEE BONOAN)