Mark Herras, tatlo ang umeereng TV show

Filed under Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed

WAGAS ang ngiti ni Mark Herras nang i-congratulate namin sa three shows niya sa GMA Network.

Ngayon lang nangyari sa kanyang career na mapapanood siya sa three shows, kaya bawing-bawi ang buwan na wala siyang regular show at pa-guest-guest lang.

Sa nagsimula nang umere ngayong Lunes na morning series na Dangwa, isa si Mark sa dalawang kapareha ni Janine Gutierrez. Gagampanan niya ang role ni Baste, flower delivery boy na magkakagusto kay Rosa (Janine) at makakaribal ni Lorenzo (Aljur Abrenica) sa dalaga.

Kasama rin siya sa primetime soap ng GMA-7 na magpa-pilot sa November 17, ang Little Nanay na pinagbibidahan ni Kris Bernal at ng child star na si Chlaui Malayao. Gagampanan naman niya ang role ng kapatid ni Kris.

Segment host din si Mark ng Starstruck 6, kaya ‘pag nag-airing na ang Little Nanay, umaga, hapon at gabi siya mapapanood sa TV. Ang wish niya, sana’y hindi magsawa ang viewers sa kanya.

Sa biro ng press kung para kanino ang kanyang pagpapayaman, “Para kay Ada” ang mabilis niyang sagot. Si Ada ay ang love child ni Mark na mahal na mahal niya at bida sa Instagram niya sa rami ng pictures.

“I’m happy sa tiwala sa akin ng network at nagpapasalamat ako. Pangako sa network at sa mga taong nagbigay sa akin ng shows, hindi ko sila bibiguin. Natsa-challenge ako sa roles ko sa Dangwa at Little Nanay dahil magkaiba at mabuti na lang hindi ako nalilito,” sabi ni Mark.

Hindi mali-link sina Mark at Janine sa Dangwa dahil alam ni Mark na taken na si Janine at boyfriend nito si Elmo Magalona. Siya naman ay na-link kay WynWyn Marquez. Nang makita namin sila sa opening/re-launching ng Rufo’s Famous Tapa ay hindi sila mapaghiwalay. Nang hingan namin ng interview, bigla silang nawala.