Designer ng gown ni Yaya Dub, nagpaliwanag

Filed under Features, Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed

ALDEN AT MAINE copy

ANG mala-prinsipe at mala-prinsesang outfit nina Alden Richards at Maine “Yaya Dub” Mendoza sa Eat Bulaga: Sa Tamang Panahon special nitong nakaraang Sabado ay gawa ng designer na si Francis Libiran. Pero pagkatapos ng show, may netizens na nang-bash na luma na ang suot ni Maine dahil naisuot na ito ni Kim Chiu.

Madaling nag-tweet si Kim ng: “No hate please? A gown is just a gown.”

Agad din namang sumagot sa isyu, sa pamamagitan kanyang Instagram account, si Francis Libiran, aniya: “We are so glad, honored and grateful that Maine Mendoza and her official stylist, Stylized Studio, Inc. chose a beautiful Francis Libiran dress from our Spring/Summer 2015 Collection. Maine’s gown at Eat Bulaga’s Tamang Panahon concert for a cause was bought and paid for by Eat Bulaga Production. Kim Chui wore this gown at the Metrowear Icon Francis Libiran fashion show as a model. This gown has not been worn at any other event by any other celebrity.”

Hindi naman talaga dapat maging issue ang gown dahil maraming pagkakataon nang ang gown na hindi naman ipinagawa ng isang artista o celebrity ay naisusuot din ng iba pang celebrity. Last year, ang blue gown na isinuot ni Marian Rivera sa prenuptial pictorial nila ni Dingdong Dantes sa Dubai ay isinuot din ni Toni Gonzaga nang mag-host siya ng Bb. Pilipinas.

In fairness naman kay Maine, bagay na bagay at swak na swak sa kanya ang gown na puwedeng ibigay na sa kanya ng Eat Bulaga Production.

Samantala, mukhang hindi basta-basta makakalimutan ng AlDub Nation at ng iba pang nakapanood ng Tamang Panahon dahil usap-usapan pa rin ito kahit saan.

Sa mga nagtatanong kung ngayong dumating na ang tamang panahon ay matatapos na rin ba ang kalyeserye, nauna na ang sagot ni Lola Nidora (Wally Bayola) during the show na, “Bakit tatapusin, wala pa akong apo kina Alden at Yaya!”

Tulad ng regular teleserye sa telebisyon, puwede itong magtuluy-tuloy hangga’t ayaw pa itong bitiwan ng mga manonood at humahamig pa rin ng mataas na rating.

Ang nationwide rating ng Eat Bulaga noong Sabado ay nagrehistro ng 21.6 percent. Sa palagay namin, ready naman ang writers ng kalyeserye kung paano nila ibibigay sa mga sumusubaybay ang gusto nila.

Pero ngayon na puwede nang magsalita ni Maine, priority nila ni Alden ang shooting ng My Bebe Love na entry sa Metro Manila Film Festival sa December, kasama sina Vic Sotto and Ai Ai delas Alas, produced by M-Zet Productions, OctoArts Films at APT Entertainment.

Ipinasilip na noong Sabado ang teaser ng movie na idinidirehe ni Jose Javier Reyes, kaya palakpakan at tilian ang audience sa Philippine Arena.

Tiyak na ito naman ang pinaghahandaan ng AlDub Nation kasabay ng AlDub Library Project na patuloy na tumatanggap ng suporta mula sa AlDub Nation here and abroad.