Dalagitang nagdemanda ng rape vs tiyuhin, pinatay

Filed under Probinsya Balita RSS RSS Feed

ASINGAN, Pangasinan – Isang 15-anyos na babae, na nagharap ng kasong panggagahasa laban sa kanyang tiyuhin, ang tinadtad ng saksak hanggang sa mamatay bago itinapon ang bangkay sa gilid ng kalsada sa Barangay Macalong sa bayang ito.

Kinilala ni Supt. Ferdinand “Bingo” de Asis, tagapagsalita ng Pangasinan Police Provincial Office, ang biktimang si Joyce Pataray, 15, out-of-school, at residente ng Barangay Coldit, Asingan.

Ayon kay Chief Insp. Charlie Ang-Yaon, hepe ng Asingan Police, nagtamo ang dalagita ng saksak sa itaas na bahagi ng tiyan, may marka ng sakal, may hiwa sa bahagi ng panga, at may mga pasa at namuong dugo sa magkabilang tenga at noo.

“Nakita ng ilang residente ang isang van na nagtapon ng bangkay ng biktima,” sabi ni Ang-Yaon. “Inaalam namin kung icepick o screw driver ang ginamit na panaksak sa bata.”

Ayon sa mga magulang ng biktima, sina Leonardo at Julie Pataray, dakong 1:00 ng hapon nang umalis sa kanilang bahay ang anak para magtungo sa Magic Mall sa Urdaneta City, kasama ang pinsang si Glenn Narte, 21, binata, 3rd year college student.

Batay sa imbestigasyon, si Glenn ay pamangkin ng isang Mando Narte, may asawa, ng Bgy. Coldit, Asingan. Mayo ng taong ito nang kinasuhan ng biktima ang tiyuhing si Mando ng rape na may paglabag sa RA 7610.

Naniniwala ang pulisya na posibleng may kinalaman sa kaso ang pagpatay sa dalagita.

Inimbitahan ng pulisya sa himpilan si Glenn para sa imbestigasyon, at upang alamin kung may kinalaman si Mando sa kaso. (LIEZLE BASA IÑIGO)