Bea Binene, excited nang mag-18

Filed under Showbiz atbp. Balita RSS RSS Feed

EXCITED na ang Kapuso teen idol na si Bea Binene sa pagbubukas ng panibagong yugto ng kanyang buhay.

Isa sa mga hinahangaang artista sa kanyang henerasyon si Bea hindi lamang dahil sa kanyang taglay na ganda kundi nagpamalas din siya ng kakaibang galing sa pag-arte, pagkanta at hosting.

Bukod pa siyempre ang kanyang pagiging reponsableng anak sa kanyang magulang.

Kahit papasok pa lang sa pagdadalaga, mahabang panahon na rin ang kanyang inilagi sa showbiz kaya iba’t ibang roles na ang kanyang ginampanan. Gayunpaman, sa nalalapit na pagdiriwang ng kanyang ika-18 kaarawan, inamin ng Kapuso star na malayo pa ang gusto niyang marating ng kanyang career.

“Marami pa akong gustong patunayan sa sarili ko. I also want to know more about myself, and discover new avenues for my craft. Marami pa rin po akong gustong matutunan, so I’m preparing myself for whatever life has to offer,” masaya at puno ng pag-asang pahayag ng dalagita.

Kamakailan ay nagkaroon ng pagkakataon ang kanyang fans na masubaybayan ang araw-araw niyang buhay sa reality-lifestyle TV show na siya mismo ang nag-produce, ang Legally B. Ipinakita sa show ang lahat ng naging paghahanda para sa kanyang debut, pati na rin ang mga outtakes at behind-the-scene footages ng kanyang photo shoot.

Ayon kay Bea, simula pa lamang ito ng kanyang paghahanda para sa kanyang kinabukasan at may plano pa siyang dagdagan ang kanyang investments at negosyo.

Sa November 4 ang kaarawan ni Bea, ang pagtuntong niya sa legal age.