Sen. Honasan, TESDA chief, 7 pa, kinasuhan sa PDAF scam

Filed under Nacional / Metro Balita RSS RSS Feed

Matapos ang matagal na pagkakabimbin, kinasuhan na kahapon sa Office of the Ombudsman ang ikatlong batch ng mga mambabatas na isinasangkot sa multi-bilyon pisong pork barrel fund scam.

Kasong paglabag sa RA 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act, malversation at bribery ang inihain ng Department of Justice (DoJ), sa pamamagitan ng attached agency nito na National Bureau of Investigation (NBI), laban sa siyam na mambabatas at mga dating kongresista.

Kabilang sa mga kinasuhan sina Senator Gregorio “Gringo” Honasan II, dating Cibac Party-list representative at ngayon ay Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Director General Joel Villanueva, Cagayan de Oro 2nd District Rep. Rufus Rodriguez, Manila 5th District Rep. Amado Bagatsing, La Union 1st District Rep. Victor Francisco Ortega, dating La Union 1st District Rep. Manuel Ortega, dating Zamboanga del Sur 1st District Rep. Isidro Real Jr., dating Pangasinan 6th District representative at ngayon ay Abono Party-list Rep. Conrado Estrella III, at dating Abono Party-list Rep. Robert Raymond Estrella.

Sa mga kinasuhan, tanging si Villanueva lang ang kilalang kaalyado ni Pangulong Benigno S. Aquino III.

Nagpahayag naman ng pagkabigla at galit si Villanueva sa pagkakasama niya sa mga kinasuhan sa PDAF scam, at mariing itinanggi ang akusasyon dahil, aniya, pineke lang ang kanyang mga lagda sa mga dokumentong may kinalaman sa scam.

Sinabi ni Villanueva na ilang taon na ang nakalilipas mula nang idawit siya sa scam, ngunit na-clear na, aniya, siya ng NBI at tiniyak sa kanyang hindi na siya kasama sa mga kakasuhan makaraang magtungo ang mga tauhan ng ahensiya sa kanyang tanggapan upang kunin ang mga dokumentong kailangan sa imbestigasyon.

Ayon sa reklamo, nai-divert ng mga akusado ang kani-kanilang Priority Development Assistance Fund (PDAF) allocations sa mga pekeng non-government organization (NGO) ng itinuturong pork barrel fund scam mastermind na Janet Lim-Napoles. – Rommel Tabbad at Jun Ramirez