Lovie Poe, napapraning kapag sumasakay ng eroplano

Filed under Balita Archive Balita RSS RSS Feed

Lovi Poe

TAKOT palang sumakay sa eroplano at may fear of heights si Lovi Poe, kaya malaking challenge sa kanya nang i-offer ng Regal Entertainment, Inc. ang “Flight 666” episode ng Shake, Rattle & Roll XV.

Suki na si Lovi ng Shake, Rattle & Roll kaya hindi siya tumanggi sa offer lalo pa at first time lang niyang makakatrabaho ang director na si Perci Intalan.

Ano ang nararamdaman niya tuwing sumasakay siya sa eroplano?

“Pagpasok ko pa lang ng airplane, paranoid na ako,” nakangiting sagot ni Love. “Takot ako dahil alam ko kung may mangyayari, wala ka nang ibang matatakbuhan. Kapag lumilipad na ang airplane at may nadaanan kaming turbulence, talagang dasal ako nang dasal na wala sanang mangyari at malampasan agad namin ang turbulence. Hindi po ako nauupo sa tabi ng window, ayaw kong makita ang taas ng lipad namin. Kaya hindi ko talaga carry na maging isang flight stewardess, na ang role ko naman sa ‘Flight 666’. Ang buo kasing episode, kinunan lang sa loob ng isang lumilipad na eroplano. Pero for my role, kumuha ang Regal ng isang flight stewardess consultant para alam ko ang dapat na reaction ko in case of emergency.

“Ilang beses na akong gumawa ng horror films pero ito na yata ang pinakanakatatakot kong ginawa. Marami na rin akong nakasamang creatures sa horror films, pero iba at kakila-kilabot talaga ang hitsura ng halimaw na ginamit ni Direk Perci, hindi ko kayang tingnan ‘pag nagsu-shoot na kami. Kahit alam kong props lang iyon, napapatili talaga ako kapag sinasalakay na ako at ang mga pasaherong sakay. Gaya nga ng sinabi ko, sa eroplano wala kang ibang matatakbuhan, kaya ganoon din ang na-experience ko sa shooting, iyong kahit gusto mong tumakbo, wala ka nang ibang tatakbuhan. Ilang beses na sumakit ang ulo ko sa kasisigaw at katatakbo.”

So, paano? Paalis pa naman sila ng mommy niya for a two-week vacation sa Japan.

“Oo nga po, at hindi ko pa naman kasama si Rocco (Nacino). Kami lang ng mommy ko ang pupunta ng Japan, kaya ngayon pa lang napapraning na ako kapag naiisip ko na sasakay na naman ako ng eroplano. Pero gusto ko rin pong ma-overcome na ang takot ko sa pagsakay sa eroplano at ang takot ko sa height. Ayaw ko na lang isipin iyon, kasama ko naman ang mommy ko.”

Bakit hindi kasama si Rocco, ang kasama niya sa kanyang first travel sa Europe, at nagkita na lamang sila sa London ng sister at mommy niya?

“Matagal na po ang balak namin ng mommy ko na pumunta ng Japan at tamang-tama ngayon, libre pa ako, wala akong ginagawang drama series sa GMA-7 at tapos na ako ng shooting nitong SRR XV. Inimbita po naman namin si Rocco pero naiintindihan ko naman na dapat niyang unahin ang work niya. May taping po siya ng Hiram Na Alaala. Kaya next year na kami babalik na magkasama roon, in time sa cherry blossoms.”

Doon ba sila magsi-celebrate ng first anniversary nila as sweethearts? Hindi sinabi ni Lovi kung ano ang exact date ng anniversary nila, pero April daw iyon.

“Siguro po, sa April, 2015 po kami babalik sa Japan,” napangiting sagot ng dalaga.

Sa Flight 666, makakatambal ni Lovi si Matteo Guidicelli, para sa 40th Metro Manila Film Festival simula sa December 25, 2014.