Erich Gonzales, sampung taon pang magiging single

Filed under Balita Archive Balita RSS RSS Feed

Erich Gonzales

NGAYON lang pala gagawa ng pelikula si Erich Gonzales sa Regal Entertainment kaya honored siya na nakasama sa laging pinag-uusapang series ng Shake, Rattle & Roll tuwing darating ang Metro Manila Film Festival (MMFF).

“Nagpasalamat po ako na ako ang ginawa nilang bida sa episode na ‘Ahas’ na dinirek ni Dondon Santos for Shake, Rattle & Roll XV,” sabi ni Erich sa press conference ng tatlong bidang babae ng SSR XV sa penthouse ng Imperial Palace Suites. “Pero challenge po sa akin ang dual roles na ginampanan ko, bilang isang tao at isang ahas. Ang laki kasi ng ahas, 20 feet, kaya kapag nagta-transform ako, inaabot ako ng five hours habang ikinakabit ang prosthetics na snake skin. Ang isa pa pong mahirap na ginagawa ko, kapag ahas na ako, itinataas nila ako ng 20 feet at saka ako magsasalita. At mahirap din po ang confrontation scene ko bilang tao at bilang ahas.

“Physically and emotionally draining po ang mga eksena ko, pero masaya rin ako pagkatapos kapag nagawa ko ang hinihingi ng role at ni Direk Dondon. Sana po ay magustuhan ng mga tao ang movie namin.”

Nang matanong tungkol sa lovelife niya, hindi itinanggi ni Erich na may non-showbiz boyfriend siya. Minsan na naming napanood sa KrisTV si Erich, nang i-reveal niya na may-ari ng isang restaurant ang kanyang boyfriend.

Malapit na ba silang magpakasal?

“Wala pa pong ganoong usapan. Pareho pa kaming maraming dapat i-consider bago magpakasal,” nakatawang sagot ng dalaga. “Dapat pa naming paghandaan ang future namin at marami pa rin akong commitment sa ABS-CBN. Naka-focus po ako ngayon sa work ko at sa aking pamilya. Matagal pa po iyon.”

Binibigyan pa ni Erich ng sampung taon ang sarili bago lumayag sa tahimik.

Sa ngayon, bukod sa promotion ng Shake, Rattle & Roll XV, busy rin si Erich sa taping ng primetime series niyang Two Wives sa ABS-CBN.

Ang dalawa pang episodes ng Shake, Rattle & Roll XV ay ang “Ulam” na pinagbibidahan naman nina Carla Abellana at Dennis Trillo directed by Jerold Tarog at ang star-studded na “Flight 666” na pinangungunahan nina Lovi Poe at Matteo Guidicelli directed by Perci Intalan. Si JC de Vera ang katambal ni Erich sa Ahas.