Sofia at Iñigo, totohanan ang M.U.

Filed under Balita Archive Balita RSS RSS Feed

Sofia Andres

NABANGGIT ni Sofia Andres na maraming nag-audition para sa role na ginagampanan niya sa Relaks, It’s Just Pag-ibig at isa na nga si Liza Soberano.

“Kasabay ko po si Liza that time, pero two years in the making po ito at ako po ‘yung tinawagan na,” kuwento ni Sofia.

Sinabi namin na si Liza ang choice ng producer sa role, pero tumanggi ang direktor dahil malamya raw at natawa si Sofia dahil alam din pala niya ang kuwento.

“Opo, pero magkasama pa rin kami ni Liza sa Forevermore, ako naman po ang support,” banggit ng dalagita.

Magkaibigan sila ni Liza dahil, “Okay po kami, kasi hindi po siya showbiz na tao.”

Bagamat hindi magka-batch sina Sofia at Liza ay maganda ang samahan nila, nag-go-see ang una sa Star Magic samantalang ipinakilala naman bilang member ng Star Magic Circle noong 2013 ang huli.

“After a month po, tinawagan ako ng Star Magic and told me that I’m part of the Star Magic talents and they sign me a contract, ‘tapos akala ko po, madali na kasi nakapasok na ako, pero marami palang competition,” kuwento ng dalagita kung ano ang mga pinagdaanan niyang hirap bago siya nagkaroon ng projects sa ABS-CBN.

Idinaan ni Sofia sa mga panalangin ang lahat ng nangyayari ngayon sa career niya.

“Every Wednesday po, nagbaba-Baclaran kami for what I want and say thank you to Him,” kuwento ng dalagita.

Samantala, tinanong namin siya kung seryoso ba ‘yung mutual understanding na relasyon nila ni Iñigo Pascual o pakilig lang para promo ng Relaks, It’s Just Pag-Ibig?

“We’re talking po, and we text each other, but not everyday kasi busy din naman po siya, so we’re close po,” nakangiti na halatang may kilig na kuwento ng dalagita.

How close?

“Naging close po kasi kami sa movie, laging magkasama po.”

So, totohanang M.U. nga kasi pareho nilang gusto ang isa’t isa.

“Yes po, ha-ha-ha, chill lang,” ‘tila nahiyang sagot ng batang aktres.

Lumabas na ba sila ni Iñigo?

“Twice po, with our moms po sa Greenbelt po, hindi po kami pinapayagang dalawa lang,” pag-amin niya.

At siyempre nanood sila ng sine.

“Opo, Transformers po, matagal (na). The other one (na lumabas sila), nakalimutan ko na po kung ano ‘yun, kung saan kami nagpunta, a year ago pa po ‘yun.”

Gusto rin kaya siya ng mommy ni Iñigo, dahil ang daddy nitong si Piolo Pascual ay gusto siya.

“I don’t know po. Mabait naman po si Tita, hindi naman po siya mean ‘pag kasama namin, pareho po kami ng gusto, chocolates,” masayang kuwento ni Sofia.

So ang bonding moments nila ng mommy ni Iñigo ay ang pagkain ng chocolates?

“He-he, binabawasan ko na po kasi lumalaki po ako,” sabi ng dalagita.

Tuloy ang pag-aaral ni Sofia kahit busy na siya sa showbiz.

“Regular school po, Montessori school po sa Pasig po, fourth year high school po, graduating na po next year. I want to take up multi-media po, film or masscom. Para related po sa (showbiz), para madaling gawin.”

Nakakatuwa dahil talagang may pangarap si Sofia at pareho sila ni Iñigo na gusto ring magtapos ng pag-aaral kaya hindi type pumirma ng long term contract sa kilalang music label sa Amerika.

Apat na magkakapatid sina Sofia, pangatlo siya, at bagamat may trabaho ang daddy niya ay kusa siyang nag-aabot ng panggastos kung minsan kapag may sobrang pera siya at ang mommy niya ang palagi niyang kasama sa lahat ng lakad niya.

“Sobrang higpit si Mommy po, okay naman po siya, wala namang sinasabi kay Iñigo,” natawang sabi ng dalagita.

Nanligaw ba si Julian Estrada sa kanya, kasi base sa Q and A portion ng presscon ay nagpahiwatig ang binatilyo pero mas close nga raw sila ni Iñigo.

“Kasi po at that time na nagparamdam siya, broken-hearted siya kay Julia (Barretto),” pambubuking ni Sofia.

Inamin din ng dalagita na may mga nanliligaw din sa kanyang kapwa Star Magic talents at hindi raw alam ni Iñigo dahil hindi naman niya sinasabi, pero sabi namin ay malalaman na ng binatilyo dahil isusulat namin.

“Ha-ha-ha, actually, kinakaibigan ko naman po lahat sila (manliligaw), it’s hard po kasi when you get close to showbiz guys, kasi parang paikut-ikot lang po, parang friends-friends kayo ‘tapos magiging kayo,” paliwanag ni Sofia.

Hindi masagot ng dalagita kung kailan nag-umpisa ang pagiging mag-M.U. nila ni Iñigo dahil hindi raw niya natandaan, basta ang sabi niya, “Nu’ng bumalik po siya rito, August po yata.”

Naniniwala ba siyang walang ibang girlfriend si Iñigo sa Amerika?

“Opo, kasi wala naman siyang sinasabi, alam ko na may mga kaibigan po siyang girls.”

At least hindi nagpapa-apekto si Sofia sa mga kaibigang babae ng batang aktor at siniguro rin naman ni Iñigo na wala siyang ibang liligawang babae hangga’t MU sila ng kanyang leading lady.