Napoles, ibinalik sa selda dahil sa lagnat

Filed under Balita Archive Balita RSS RSS Feed

Bagamat siya ay obligadong dumalo sa lahat ng pagdinig sa kanyang inihaing petition for bail, ibinalik ang binasanggang “pork barrel queen” na si Janet Lim Napoles sa kanyang piitan mula sa korte matapos madiskubre na siya ay may lagnat.

Kinumpirma ng doktor ng Sandiganbayan na si Eduardo Viola na nilalagnat si Napoles nang dumating sa sala ng Sandiganbayan Third Division.

Nang tingnan ni Viola, lumitaw na umabot ang temperatura ni Napoles sa 37.73 centigrade habang ang blood pressure nito ay nasa 140/80.

Dahil dito, pinayagan ni Sandiganbayan Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang na maibalik si Napoles sa kanyang selda sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City sa pagsisimula pa lamang ng pagdinig dakong 9:30 ng umaga.

Ito ay ilang minutO lamang matapos hilingin sa korte ni Dennis Buenaventura, isa sa mga abogado ni Napoles, na payagang makauwi ang kontrobersiyal na ginang dahil siya ay may karamdaman.